Nagpahayag ng buong suporta ang Supreme Court (SC) para sa pagpasa ng House Bill 5045 na layong mapalawak pa ang access sa Shari’ah courts o ang korte ng kapatid nating mga Muslim.
Ayon kay Supreme Court Administrator Raul Villanueva, ang House Bill 5045 na nag-aatas sa state-run National Commission for Muslim Filipinos (NCMF) na i-perform ang mga sumusunod na functions:
Aalalay sa Philippine Statistics Authority sa pagasasagawa ng census sa actual population ng mga Muslim Filipinos sa bansa.
Kabilang din dito ang pag-facilitate sa Shari’a Court Services sa mga Muslim Filipinos.
Magsisilbi rin ang mga ito ng service provider para sa paghahain ng mga dokumento sa Shari’a Courts at magpapataw ng kaukulang bayad para sa mga serbisyo at magpursige ng Public-Private Partnership Projects para sa kapakanan ng mga Muslim Filipinos.
Iminamandato rin ng panukalang batas sa Bureau of Legal Affairs ng National Commission for Muslim Filipinos na siguruhin na ang Muslim Filipinos na walang access sa Shari’a Courts sa kanilang Region ay puwedeng maghain ng kaukulang dokumento sa special jurisdiction ng Shari’a Courts.
Parehong bill ang nagsasabing ang National Commission for Muslim Filipinos ay dapat mag-provide ng equitable access sa Shari’a Courts para sa lahat ng mga Muslim Filipinos.
Ang required na bilang ng mga personnel at legal officers para sa epektibong pagpapatupad ng naturang panukala ay ang National Commission for Muslim Filipinos din ang tutukoy.
Sa ngayon, sinabi ni Villanueva na ang mga Shari’ah District Courts o ang counterpart ng Regional Trial Courts ay matatagpuan lamang sa Jolo (Sulu), Bongao in Tawi-Tawi, Zamboanga City, Marawi City at Cotabato City at sa Bangsamoro Region in Muslim Mindanao.
Para naman sa Shari’ah Circuit courts o Municipal Trial Courts, mayroon daw 51 dito pero 36 lamang ang organisado at hawak ito ng 19 permanent judges na nagreresulta sa karagdagang trabaho.
Pero sinabi ng Court administrator na mayroon itong reservation sa Section 5 ng panukalang House Bill 5045 na nagsasabing ang Department of Information and Communications Technology at National Commission for Muslim Filipinos sa pamamagitan ng koordinasyon sa Supreme Court ay dapat bumuo ng digital platform para sa paperless filing ng routine documents gaya ng marriage certificate, birth certificate, death certificate maging ang collection ng mga appropriate court fees.
Paliwanag ni Villanueva, mayroon na raw kasing hakbang dito ang Supreme Court o ang pag-digitize sa court processes sa pamamagitan ng Philippine Judiciary 365 program.
Ang House Bill 5045 ay inakda ni Representative Khalid Dimaporo ng Lanao del Sur, ang chair ng House Muslim affairs panel.