Inaasahang mas magiging mainam ang kabuuang power supply situation sa mga lugar na nasasakupan ng Luzon at Visayas grid ngayong weekend.
Ito ang inihayag ng Department of Energy kasunod ng mga inilabas na red at yellow alert sa naturang mga grid sa nakalipas na mga araw.
Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, ngayong weekend ay inaasahan ang pagbabalik operasyon ng ilang mga major power plant sa bansa.
Sa katunayanan aniya ay mayroon nang dalawang malalaking planta ng kuryente ang nagbalik-operasyon, ngunit gayunpaman ay umaasa siya na walang magiging problema sa iba pang mga planta partikular na sa optimal performance ng mga ito.
Kung maaalala, naglabas ng red at yellow alert ang NGCP sa 50 mga power plants sa Luzon at Visayas grid nang dahil na rin sa naging problema ng mga ito sa kanilang generating capacities Sa gitna ng nararanasan matinding init ng panahon ngayon sa Pilipinas.
Mula sa naturang bilang, sa Luzon ay nasa 19 na mga planta isinailalim sa forced outage, habang ang tatlong iba pa ang nag-o-operate ngunit nasa derated capacities.
Habang sa Visayas naman ay mayroong 18 power plants ang nag-forced outage, at 10 ang nagpapatuloy sa pag-operate ngunit sa reduced capacities.