-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Information and Communications Technology na kanilang prayoridad na matugunan ang pagkakaroon ng mas maayos na koneksyon ng signal sa buong bansa.

Kung saan nais umano ng kagawaran na mabigyang pansin ito upang maging epektibo ang ginagamit na koneksyon ng mga mamayan lalo pa’t mahalaga ito pagdating sa komunikasyon.

Ayon mismo kay Secretary Henry Rhoel R. Aguda, kanila itong pinagtutuunan ng pansin kasabay ng planong magkaroon ng episyenteng signal sa kada-bahagi o mga lugar sa iba’t ibang dako ng Pilipinas.

Paliwanag kasi niya na balewala ang mga serbisyo ng gobyerno na nasa online, mga government websites at maging ang kanilang inilunsad na eGov App kung wala namang maayos na koneksyon.

Kaya’t aniya’y importanteng masolusyonan ito upang magamit din lalo na sa mga liblib na lugar sa bansa o Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).

Dahil dito, isa sa mga planong maisakatuparan ng Department of Information and Communications Technology ang pagkakaroon ng kauna-unahang geo-position satellite sa bansa.

Kaya’t aniya’y kanila ng minamadali ang pagse-setup nito nang sa gayon ay agad na mapakinabangan ng publiko sa lalong madaling panahon.

Ang pagkakaroon kasi nito ay makapagbibigay daan upang magkaroon ng mas maayos na koneksyon ng signal sa bansa kahit saan mang dako o lugar sa Pilipinas.

Mas malawak umano raw kasi ang kayang maibigay na koneksyon nito sa buong palibot ng mga sakop na teritoryo ng bansa dahil sa ito’y galing na mula sa satellite.