Nanawagan na rin si Presidente-elect Ferdinand Marcos Jr sa publiko na ‘wag maging kampante at panatilihin pa rin ang pagsunod sa mga health standards upang maiwasan ang muling paglobo ng mga nahahawa sa COVID-19.
Ginawa ng incoming president ang pakiusap kasunod na rin ng babala ng Department of Health (DOH) na posibleng pagtaas ng bilang ng mga severe at critical COVID-19 cases pagsapit ng buwan ng Agosto.
Kasabay nito sumama rin sa panawagan si Marcos para sa publiko na hindi pa nagpapa-booster shots na mag-avail sa ibinigay na libre ng gobyerno.
Tinukoy din ni Marcos na mahalagang ‘wag kalimutan ng mamamayan na ang ibang hindi pa nakapag-booster shots ay bumababa na ang pagiging epektibo ng kanilang naunang vaccination lalo na at nandiyan pa rin ang banta ng highly transmissible na Omicron variant ng COVID-19.
Kinilala rin naman ng president-elect ang nakamit na unti-unting pag-angat ng ekonomiya ng Pilipinas at nakakapanghinayang daw kung mabaliwala lamang ito.
“We have already made economic headways and we should not allow them to be brought to naught. This is why I am urging everyone to take part in preventing another surge that could block our way to economic recovery,” ani Marcos sa social media account ng PLP.