Kinuwestiyon ni Senador Rodante Marcoleta ang mga pass-through charges na ipinapasa ng Meralco sa mga konsyumer sa isinagawang ikaapat na pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee noong Miyerkules.
Ayon kay Marcoleta, kabilang sa mga singil na ito ang local franchise tax, universal charge, system loss, at lifeline rates. Iginiit ng senador na dapat umanong alisin ang ilang bayarin tulad ng local franchise tax, na aniya’y ipinasa rin ng kumpanya sa mga konsyumer nito.
Paliwanag ng Meralco na ang naturang mga charges ay matagal nang nasa electric bills at hindi na aniya bago sa mga konsyumer.
Nabatid na ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 o EPIRA ay inaasahang magpapababa sana ng singil sa kuryente, ngunit hindi umano ito nasakatuparan ayon sa senador.
Sinabi naman ni Francis Saturnino Juan, chairperson at CEO ng Energy Regulatory Commission, maaaring pag-aralan ng Kongreso ang mga isyung binanggit upang marebisa ang mga polisiya sa ilalim ng EPIRA, kabilang na ang lifeline rate bilang exception sa pagtanggal ng cross-subsidy principle.
Samantala, ipinanukala rin ni Marcoleta ang pagtanggal ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa kuryente upang makatulong sa mga Pilipino sa gitna ng patuloy na krisis sa langis. Tinanong din niya ang ERC kung tutol ito sa naturang hakbang.
Bukod dito, binanggit ng senador ang kanyang panukalang batas na magbibigay ng exemption sa pagbabayad ng kuryente para sa mga household na kumokonsumo ng hanggang 200 kilowatt-hours pababa.
Ayon kay Marcoleta, tinatayang makikinabang dito ang humigit-kumulang 5.5 milyong mahihirap na pamilya sa bansa.














