Inamin ni Marcelito Pomoy na umaasa at nagdarasal pa rin ito na maging kampeon sa 2020 America’s Got Talent (AGT): The Champions.
Ito’y tatlong araw bago ang results night sa nasabing kompetisyon kung saan inaasahang muling magpi-perform sa huling pagkakataon ang 10 grand finalists kasama si Pomoy.
Ayon sa 35-year-old Filipino singer mula Surigao del Sur, pakiramdam niya ay panalo na siya kahit pa maging kabaligtaran ang resulta sa February 17.
“I love you all… I really don’t need to win this contest because for me I am already a winner.. For in your hearts I can feel how you all feel.. I can feel that I win your hearts… so I am already a winner.. But if I won this contest it’s gonna be a big opportunity for me to share the prize money to all the needy.. So still hoping and praying for being the champion of this contest…” saad ni Pomoy.
Kung maaalala, inawit ni Pomoy sa kanyang final performance ang “Beauty and the Beast” na tulad sa ibang contender ay umani ng standing ovation sa mga hurado.
Pero hirit ng prangkang si Simon Cowell, “predictable” na ang song choice ng pambato ng Pilipinas, bagay na inalmahan ng judge ring si Alesha Dixon.
Nagdulot din ito ng debate sa online world kung saan nabunyag na si Cowell daw ang pumili ng nabanggit na awitin para kay Pomoy.
Ang “Pilipinas Got Talent” second season grand champion ay nakilala sa kaniyang “doble-kara” talent, kung saan kumakanta siya ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.
Una siyang nakilala sa labas ng bansa sa pagkakaroon ng “golden female voice” ay nang maging guest sa “The Ellen DeGeneres Show” noong 2018.