-- Advertisements --

Naghatid ng tulong ang tanggapan ni Senador Christopher “Bong” Go sa libo-libong biktima ng bagyong Maring sa San Juan, La Union.

Namahagi ang team ni Go ng grocery packs, meals, at masks sa 2,066 typhoon victims sa People’s Park sa San Juan, La Union.

Nagbigay din ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng financial assistance sa mga biktima ng bagyo sa pamamagitan ng kanilang Assistance to Individuals in Crisis Situations program.

Sa video message, ipinaalala ni Go sa publiko, lalo na ang mga nasa vulnerable sectors na magpabakuna laban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nanawagan din ito sa local leaders na tulungan ang mga nakatatanda na mabakunahan sa kani-kanilang tahanan kung kinakailangan.

“Tuluy-tuloy pa rin po ang pagbabakuna natin. Kung nasa priority list kayo, magpabakuna na kayo. Ang bakuna ang susi para makamtan natin ang herd immunity ngayong taon at makabalik tayo sa ating normal na pamumuhay. Nakikiusap ako sa mga (local government units), magtulungan tayo sa national government. Kung kailangan suyurin natin ‘yung mga senior citizens at may sakit para protektado sila, gawin po natin,” ani Go.

Bilang Chairman Senate Committee on Health and Demography, pinayuhan din ni Go ang mga residenteng nangangailangan ng atensyong medikal na magtungo sa alinmang 149 Malasakit Centers sa buong bansa, kabilang ang Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City.

“Lapitan n’yo lang po ang Malasakit Center diyan po sa inyong lugar. Ang Malasakit Center po ay para sa mga poor and indigent patients. Tutulungan ho kayo ng Malasakit Center at wala pong pinipiling pasyente ang Malasakit Center. Ang Malasakit Center ay para po sa Pilipino,” dagdag ng senador.

Para mapagbuti pa ang disaster resilience measures at matiyak na magkakaroon ng ligtas at komportableng masisilungan ang mga apektadong pamilya, tiniyak ni Go ang pagsusulong ng Senate Bill No. 1228 na naglalayong magtayo ng evacuation center sa bawat lungsod, munisipalidad at lalawigan.

“When disaster strikes, it is the poor who suffer the most. Nagsisikipan sila sa mga covered courts o paaralan. Kaya kailangan natin magpatayo ng dedicated evacuation centers na may basic facilities at sapat na emergency supplies, gaya ng tubig, relief goods at gamot. Obligasyon ng gobyerno na maging handa sa oras ng sakuna,” paliwanag ni Go.