Humirit ng umento sa presyo ang manufacturers ng ilang de lata at iba pang produkto.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) nakatanggap sila ng notice of price adjustment mula sa mga manufacturer ng sardinas, meat loaf, corned beef, kape at sabon.
Sa ngayon ayon sa DTI, pinag-aaralan na nila ito subalit sisikapin nilang maitakda ang presyo ng nabanggit na produkto sa resonableng halaga para na rin sa kapakanan ng mga mamimili.
Kahapon, nagsagawa ng inspeksiyon sina DTI Secretary Alfredo Pascual at Senator Mark Villar, chairperson ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship sa ilang supermarket sa lungsod ng Makati kung saan napag-alaman na ang presyo ng mga ibinibentang mga produkto ay sumusunod naman sa itinakdang suggested retail price o mas mababa pa.