Matapos ngang itaas ng Department of Health (DOH) ang Code Red sub level 1 alert sa bansa ay agad nang umaksiyon ang pamahalaang lungsod ng Maynila para maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, agad umanong nagtayo ngayon ang Manila LGU ng Manila Center for Infectious Disease (MCID).
Ito ay bilang paghahanda sa posibilidad na paglobo pa ng bilang ng mga biktima ng nasabing sakit.
Ang MCID ay matatagpuan sa 10th floor ng Sta. Ana Hospital at ito ay tatauhan ng anim na pinakamagagaling na infectious disease doctor sa Maynila.
Maari ring gamitin ang MCID sakaling kapusin ng kuwarto ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na siyang pangunahing takbuhan ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Ang bawat kuwarto ay may sariling CR, isang kama, drawer at airconditioned din ito.
Mayroon ding changing rooms at decontamination rooms na may personal protective equipment gaya ng goggles at face masks para sa mga health workers ang naturang pasilidad.
Ayon kay Moreno nakatakdang bumili ang pamahalaang lungsod ng iba pang medical equipments sa oras na lumala pa ang sitwasyon hinggil sa COVID-19.