Bubuksan ng Archdiocese of Manila ang kanilang mga simbahan pero sa limitadong kapasidad lamang sa darating na Holy Week, bagay na ayon sa Malacañang ay paglabag sa protocols upang maiwsan ang surge ng COVID-19 infections.
Sa isang pastoral instruction para sa Holy Week, sinabi ni Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo na walang anumang religious activity sa labas ng mga simbahan katulad ng senakulo, pabasa, processions, motorcades, at visita iglesia.
Pero sa loob ng mga simbahan, simula Marso 24 ay magkakaroon ng religious worship, pero 10 percent lamang ng maximum capacity ng mga simbahan ang papayagan.
Titiyakin din aniya nilang malayo ang agwat ng mga dadalo sa misa, at patuloy na magpatupad ng iba pang health protocols.
Nauna nang ipinagbawal ng inter-agency task force ang pagtitipon-tipon ng 10 katao pataas sa Metro Manila at apat pang mga kalapit na probinsya hanggang Abril 4 para maiwasan ang pagtaas pa lalo ng COVID-19 cases.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque salungat sa desisyon ng IATF ang planog pagbubukas ng mga simbahan.
Kaya naman umaapela ito kay Bishop Pabillo na huwag namang i-itsapuwera ang patakaran ng IATF dahil ito naman ay para aniya sa kabutihan ng lahat.