Inirerekomenda ngayon ng Department of Health (DoH) sa Inter-Agency Task Force (IATF) na gawing mandatory ang safety seal certifications para ma-regulate ang mga ventilation standards sa mga establisimiyento.
Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, binigyan diin daw kasi ng Health Technology Assessment Council ang kahalagahan ng ventilation standards lalo’t binuksan na ng bansa ang ekonomiya sa kalagitnaan ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Vergeire, makikita raw kasi sa safety seal ang standard para sa ventilation ng mga establisimiyento, work places, mga paaralan maging sa ibang settings ay ina-adopt din umano ang safety seals.
Paliwanag ng tagapagsalita ng DoH na kapag nasa enclosed space, mas nananatili raw dito ng matagal ang virus kaya kailangan talaga ang sapat na ventilation para tuloy-tuloy daw ang daloy ng hangin.
Sa pamamagitan daw ng safety seal ay makikita kung sumusunod ang mga establishments sa minimum public health standards laban sa COVID-19.
Kung maalala, nong Oktubre 18, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroon nang 45,649 public at private establishments ang naisyuhan ng safety seal certifications sa buong bansa.