Magsasagawa ng mandatory review ang Bids and Awards Committee (BAC) ng Comelec kasunod nang pagdeklara ng failure of bidding para sa ilang libong karagdagang vote counting machines (VCMs) para sa 2022 polls.
Sa pagdinig ng House committee on appropriations, sinabi ni Comelec chairman Sheriff Abas na wala kasing nagsumite ng kanilang bids para sa rerentahang karagdagang 10,000 VCMs.
Sa mandatory review na ito malalaman ng Comelec kung kailangan pa bang ituloy pa rin ang bidding o gagamitin na lamang ang 97,000 VCMs na kanila ring ginamit sa nakalipas na halalan.
Kung hindi madadagdagan ang VCMs, sinabi ni Abas na mananatili sa 1,000 ang bilang ng mga botante na ilalaan sa bawat voting precint.
Pero kung matuloy ang pagrenta sa karagdagang 10,000 VCMs, magagawang maipababa ito sa 800 sa kada voting precinct.
Nauna nang sinabi ni Comelec-BAC chairman Atty. Allen Abaya na Agosto 13 nang kumuha ng bidding documents ang Smartmatic-Total Information Management 2016 Inc. pero hindi naman sila nagsumite ngg kanilang bid.
Sa liham na natanggap ng kanyang opisina, sinabi ni Abaya na iginigiit ng naturang kompanya na hindi sapat ang P600 million na budget para sa proyektong ito lalo pa at nagtaasan ang presyo sa global market bunsod ng COVID-19 pandemic.