Wala pa sa mga plano ng national government na tanggalin ang mandatory use ng face masks sa harap nang paghahanda ng pamahalaan sa transition para sa “new normal” sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, kasalukuyang binabalangkas pa ng pamahalaan ang guidelines para sa “new normal” sa harap ng mga banta pa rin ng global health crisis, na ipapatupad sa oras na mailagay na ang bansa sa ilalim ng pinakamaluwag na restrictions o Alert Level 1.
Sa isang panayam, sinabi naman ni vaccine czar at National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr., na “very essential” pa rin sa laban kontra COVID-19 ang pagsusuot ng face mask.
Kaya ang pagtanggal sa mandatory na paggamit nito ay hindi nga kasama sa kanilang mga tinatalakay sa ngayon.
Iginiit ni Galvez na ang pagsusuot ng face mask pa rin ang siyang final defense ng mga tao laban sa severe respiratory disease.
Maari lamang aniyang mangyari ang “volunteer masking” sa oras na tapos na ang health crisis, o kapag tuluyan nang nawala ang COVID-19 at balik na sa normal ang sitwasyon.
Ganito rin ang posisyon ni Health Secretary Francisco Duque III.