Inanunsiyo ng Department of Migrant Workers (DMW) na hindi na kailangang magbayad ng compulsory insurance premiums ang mga overseas Filipino worker (OFWs) bago umalis ng bansa.
Sinabi ni DMW Secretary Susan Ople na ang pagsususpinde sa compulsory insurance policy ay magbibigay-daan sa mga rehired at direct hired na OFWs na makaipon ng hindi bababa sa P1,700.
Aniya, mayroong dalawang uri ng compulsory insurance para sa mga OFW: “ang isa para sa mga bagong trabahong OFW at ang pinalawak na compulsory insurance para sa mga balik-manggagawa at direct hire.
Sinuspinde ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pinalawak na compulsory insurance para sa mga rehired at direct hired na OFW dahil sa kawalan ng konsultasyon sa mga stakeholder.
Sa ilalim ng department order, ang mga employer o ang mga manggagawa mismo ang magbabayad para sa insurance coverage na sasailalim sa refund sa unang araw ng pagdating sa bansang destinasyon.
Inihayag naman ni POEA chief Bernard Olalia na sinuspinde ang compulsory insurance policy bilang pagsasaalang-alang sa pagpapabuti ng kalagayan ng global health.