Malnutrition ang nakikitang dahilan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda kung bakit libu-libong estudyante sa Bicol Region ang hindi marunong magbasa.
Iginiit ni Salceda na sadyang hirap ang mga estudyante na matuto sa paaralan kapag walang laman ang kanilang mga tiyan.
Ayon kay Department of Education (DEPED) Bicol Regional Director Gilbert Sadsad, humigit kumulang 76,000 ang non-readers o struggling readers sa buong Bicol Region.
Sinabi ni Salceda na hindi na aniya dapat ito nangyayari sa ngayon gayong mayroon nang ipinapatupad na Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ang siste ayon kay Salceda, binibigyan ng buwanang allowance ang kada indigent na pamilya sa ilalim ng 4Ps kapalit lamang ang magandang attendance ng kanilang mga anak sa paaralan at hindi sa kung natututo ang mga ito sa loob ng silid-aralan.
Dahil dito, ipatawag ng kongresista ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region V para pagpaliwanagin sa status ng 4Ps.
Gayunman, iginiit din ni Salceda ang kahalagahan na maisabatas ang House Bill 6295 o Universal Free School Meals.
Naniniwala si Salceda na mas matitiyak na matututo ang mga edtudyante kapag busog ang mga ito habang nasa paaralan.