Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na nakatakda itong magsagawa ng pilot test ng mall voting para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa darating na Oktubre.
Kasunod ito ng matagumpay na resulta ng ginanap na register anywhere program ng Comelec para sa darating na eleksyon kung saan nakamit ng Komisyon ang target nitong bilang ng mga voter applicant sa bansa.
Ayon kay Comelec chairman George Erwin Garcia, plano ng Komisyon na isagawa ang mall voting sa limang iba’t-ibang mall sa Metro Manila.
Ngunit nilinaw niya na tanging mga residenteng nakatira malapit sa mga mapipiling mall ang mapapahintulutang makaboto sa mga ito.
Kaugnay nito ay magsasagawa ng malakihang information drive ang Comelec para maiparating sa publiko ang tungkol sa mall voting.
Ani Garcia, sakaling maging matagumpay aniya ang eksperimentong ito ay target naman itong ipatupad ng Comelec sa mga susunod na halalan sa buong Pilipinas.
Samantala, pinawi naman Komisyon ang ilang agam-agam ukol dito dahil ang programa itong aniya ay hindi nangangailangan ng dagdag na gastos dahil ang mga lugar at pasilidad na gagamitin nila ay libre.
Kung maaalala, taong 2016 nang ibasura ng Comelec en banc ang planong magsagawa ng mall voting nang dahil sa ilang mga legal problems na posibleng kaharapin ng Komisyon tulad na lamang ng ilang alalahanin sa paglilipat ng mga presinto sa mga mall.