-- Advertisements --

Isinisi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa Senado kung bakit mas malawak ang good conduct time allowance (GCTA) na ibinibigay ngayon sa mga preso.

Isa si Rodriguez sa mga kongresista na may akda ng Republic Act 10592 o GCTA law nang gumulong ito sa Kamara noong 15th Congress.

Sa isang panayam sinabi ng mambabatas na limitado lang sa preventive detention ng mga preso ang nakatakdang bilangin sa ilalim ng House Bill 417 na kanilang ipinasa noon.

Pero nabalewala raw ito sa bicam dahil pinagbasehan pa rin ang noo’y Senate Bill 3064.

Sa ilalim nito, inirekomenda ng mga may-akda na sina dating Sen. Manny Villar, Chiz Escudero at Miriam Defensor-Santiago na palawigin sa lima hanggang 20 araw ang GCTA ng mga preso sa kanilang unang dalawang taon sa kulungan.

Dinagdagan pa ito ng walo hanggang 23 araw sa ikatatlo hanggang ikalimang taon; hanggang 30 araw sa mga sumunod pang taon. May dagdag pa raw na 15 araw na good behavior allowance.

Bukod sa Senado, nakatakda na ring dinggin sa Kamara ang kontrobersyal na GCTA na pansamantalang ipinasuspinde ng Department of Interior and Local Government at Department of Justice para sa review.

Ayon kay Rodriguez nakakapagtaka na ilan sa mga senador gaya ni Sen. Panfilo Lacson ang kume-kwestyon ngayon sa batas dahil isa rin umano ito sa mga lumagda sa dating Senate report ng batas.