-- Advertisements --

Aminado ang dating bantamweight champion na si Nonito “The Filipino Flash” Donaire na nagkamali siya sa kanyang diskarte sa laban kagabi kontra sa undefeated Japanese star na si Naoya Inoue.

Ayon kay Donaire, nanggigil daw kasi siya sa unang round pa lamang at gusto niyang makipagbasagan kaagad ng mukha kay Inoue.

Inamin din ng Pinoy boxer na maganda sana ang kanilang plano na sa pagsisimula ay laruin muna si Inoue sa pamamagitan ng pagdistansiya sa laban.

Pero dahil daw sa gusto niya ng suntukan kaagad o brawl ay hindi na niya nakita ang pamatay na left hook ng karibal na Hapon.

Sa labis daw na groge niya ay hindi rin alam ni Nonito na bumagsak na pala siya at doon na sumigaw ang kanyang trainer na misis na Rachel na itaas ang kanyang kamay.

Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin si Donaire na agad ng itinigil ng referee ang laban sa second round ng muli na namang siyang bumagsak.

Liban nito kahit daw papaano ay wala naman siyang nararamdaman na sakit ng ulo o pagkahilo matapos na makaranas ng knockdowns sa kamay ng tinaguriang The Monster at kinikilalang isa sa pound-for-pound at best boxer sa buong mundo sa 118-pounds division.

Sa ngayon wala pang balak ang 39-anyos na 4-division world champion kung kelan siya magreretiro.