Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na walang ipatutupad na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang Abril 30, kasabay ng maigting na babala laban sa mga negosyanteng masasangkot sa hoarding at price manipulation sa gitna ng nararanasang krisis.
Ito ang naging sentro ng ulat at pagtitiyak ni DTI Secretary Ma. Cristina Aldeguer-Roque sa pagdalo nito sa isinagawang joint hearing ng House-LEAD Committee sa Kamara.
Ayon sa kalihim, tuluy-tuloy at walang patid ang kanilang monitoring at enforcement operations sa buong bansa.
Layunin ng direktibang ito na mahigpit na mabantayan ang merkado at matiyak na sumusunod ang lahat ng mga manufacturers at retailers sa itinakdang presyo para sa mga basic and prime commodities.
Bilang pagbibigay ng kapanatagan sa mga mamimili, mariing pinabulaanan ng ahensya ang mga posibleng isyu ng kakulangan sa suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan.
Binigyang-diin ni Roque na walang nagaganap na price hike, walang shortage, at mas lalong walang puwang ang pagmamanipula sa presyo ng mga produkto.
Dagdag pa ng opisyal sa komite, kung mayroon mang naitatalang kaso ng hindi makatarungang pagtaas ng presyo sa ilang piling lugar, maituturing lamang umano itong mga isolated cases.
Gayunpaman, tiniyak ni Roque na agad itong isinasailalim sa imbestigasyon at agarang inaaksyunan ng DTI.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mandato ng ahensya na panatilihing matatag ang pamilihan at protektahan ang kapakanan ng mga konsyumer upang siguruhing abot-kaya ang mga pangunahing bilihin habang nasa kalagitnaan ng krisis ang bansa.
















