KALIBO, Aklan – Mahigit sa kalahating milyon piso ang natangay ng hindi pa nakikilalang mga magnanakaw nang pasukin ang isang gasolinahan sa Barangay Tabayon, Banga, Aklan.
Batay sa report ni P/SSgt. Elmar Relente ng Banga Municipal Police Station, dakong alas-4:40 ng madaling araw nang madiskubre ang insidente ni Vanessa Siba, residente ng Barangay Mangan sa naturang bayan at pump girl ng Zuki gasoline station.
Sa pahayag ni Siba, magre-report na sana siya sa kanyang trabaho nang madiskubreng bukas ang pinto ng kanilang opisina at magulo ang loob nito.
Kaagad na ini-report nito ang insidente sa may-ari na si Irene Casim, residente ng naturang lugar at matapos ang isinagawang inventory ay natuklasan na nawawala ang mahigit sa P500,000 halaga ng salapi na nakalagay sa sinirang improvised vault na gawa sa yero.
Tinangay rin ang modem ng kanilang CCTV camera dahilan na hindi nakilala ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente kasama ang pag-review sa iba pang CCTV camera na malapit sa lugar.










