-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Inihayag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na umaabot na sa nasa 8,450 tricycle drivers sa Western Visayas ang nakatanggap ng tig-P5,000 cash relief assistance mula sa Department of Social Welfare and Development bilang tulong sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay DSWD-6 regional information officer Therese Fely Legaste, naging maayos at organisado ang isinagawang paunang distribusyon noong Abril 8 sa mga pangunahing lungsod upang maibsan ang epekto ng tumataas na presyo ng gasolina at hirap sa ekonomiya ng sektor ng transportasyon.

Sa kabuuang bilang ng mga benepisyaryo, 1,983 ay mula sa Iloilo City, 2,600 mula sa Passi City, at 3,867 mula sa Roxas City.

Kasunod nito, tiniyak ng DSWD na magkakaroon ng malawakang payout sa mahigit sa 47,000 na iba pang tricycle drivers sa buong rehiyon sa Abril 16 upang masakop ang lahat ng munisipalidad.

Ipinaliwanag ni Legaste na ang listahan ng mga benepisyaryo ay mula sa mga lokal na pamahalaan, na kinabibilangan ng mga tricycle driver na may valid na prangkisa at lisensya. Dumaraan aniya ito sa beripikasyon ng DSWD upang maiwasan ang dobleng pangalan.

Ang ₱5,000 ayuda ay ipinamamahagi sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program, hiwalay pa sa fuel subsidy na ibinibigay ng Department of Transportation at LTFRB.

Sa mga hindi kasama sa “clean list”, inirekomenda ng DSWD na makipag-ugnayan na sa kanilang mga LGU at Tricycle Operators and Drivers Associations (TODAs).

Matapos ang sektor ng tricycle, iniutos ng DSWD Central Office na isama sa susunod na rollout ang iba pang public transport drivers.