-- Advertisements --

Pinapayuhan muli na maghanda ang mga motorista dahil nakaamba nanaman ang malakihang taas presyo sa produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa datos, tinatayang aabot sa P6.30 hanggang P6.60 ang halaga ng madadagdag sa kada litro ng diesel.

Habang posible namang sumipa naman sa P2.50 hanggang P2.80 ang itataas ng presyo sa kada litro ng gasolina.

Paliwanag ng Oil Industry Management Bureau ng Department of Energy, ang naturang pagtaas ng presyo sa langis ay dulot ng pagtaas ng demand sa mga northern hemisphere countries, pagbabawal ng European Union sa Russian oil, at gayundin ang mataas na oil demand sa China dahil sa gumagaang lockdown doon.

Samantala, ipinapakita naman sa datos ng kagawaran na mula Mayo 31 hanggang Hunyo 2 ay pumapalo sa P73 hanggang P83.60 ang halaga ng kada litro ng gasolina, habang nasa pagitan naman ng P70.50 hanggang P75.60 ang presyo ng kada litro ng diesel sa Maynila.

Batay naman sa year-to-date adjustment ay umabot sa P23.85 ang halaga ng kada litro ng gasolina at P30.30 naman sa kada litro ng diesel.