-- Advertisements --
Screenshot 2019 06 21 15 13 52

Inanunsyo ng East Zone concessionaire na Manila Water na ang pagtatayo ng P8.2-billion nitong Calawis Water Supply System project sa Antipolo City, Rizal ay nakatakdang matapos sa buwan ng Hunyo ng kasalukuyang taon.

Sa isang pahayag, sinabi ng Manila Water na ang tubig para sa bagong pasilidad ay nagmumula sa Tayabasan River, na matatagpuan sa Brgy. Calawis.

Ang nasabing lugar ay bahagi ng Upper Marikina Watershed.

Dagdag dito, ang Calawis Water Supply System project ay inaasahang magbibigay ng karagdagang 80 million liters per day (MLD) ng treated water sa 919,784 na populasyon sa Antipolo City at mga kalapit na bayan.

Sa kasalukuyan, habang naghahanda para simulan ang buong operasyon, ang pasilidad ay nakakapagsupply na ng tubig sa ilang lugar ng lungsod kabilang ang Antipolo Government Center.

Ang proyekto ng Calawis Water Supply System ay binubuo ng 80 million liters per day water treatment plants (WTP), pumping stations, reservoir, at 21 kilometers ng primary transmission line.

Una nang sinabi ng Manila Water na ang proyekto ng Calawis Water Supply System ay bahagi ng water supply masterplan ng kumpanya, na naglalayong tiyakin ang seguridad ng tubig at pagiging maaasahan ng supply sa East Zone sa susunod na mga dekada habang binabawasan ang inaasahang supply na magmumula sa Angat Dam.