Tumaas pa sa kalahating bilyong piso ang pinsala at pagkalugi na natamo ng sektor ng agrikultura kasunod ng pananalasa ng Bagyong Goring sa bansa.
Batay sa pinakahuling bulletin na inilabas ng DA Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, nagkakahalaga ng P504.4 milyon ang pinsala sa sakahan dahil sa pananalasa ng bagyo.
Apektado ng sama ng panahon ang 11,965 magsasaka sa 19,658 ektarya ng agricultural areas sa Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Western Visayas.
Sa nasabing halaga, ang pagkalugi sa produksyon ay umabot sa 21,134 metriko tonelada.
Kabilang sa mga apektadong produktong pang-agrikultura ay ang palay, mais, high value crops, at mga alagang hayop.
Palay ang pinaka-apektadong kalakal, na may kabuuang halaga na nawala na P362.2 milyon, katumbas ng 16,488 MT ng mga pananim na nasira sa 13,967 ektarya ng lupang sakahan.
Sumunod ang mais na may P139.1 milyon halaga ng pinsala at volume na pagkawala ng 4,590 MT..
Para sa mga high-value crops, ang halaga ng value loss ay umabot sa P2.7 milyon, habang ang volume loss ay 56 MT sa siyam na ektarya ng lupa.
Ayon sa DA, inaasahan pang taas pa ang halaga ng pinsala ng sama ng panahon dahil patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang assessment sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Goring.