CAUAYAN CITY – Aabot sa 358 na kilo ang timbang ng mga pinatuyong dahon at tangkay ng Marijuana na nasamsam ng mga otoridad sa Silay, Poblacion, Tinglayan, Kalinga.
Nagkakahalaga naman ito ng P42,960,000.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCapt. Raffy Manganip, tagapagsalita ng Kalinga Police Provincial Office na ito ay resulta ng KASIMBAYANAN program ng pulisya na nakikipagtulungan ang simbahan at mamamayan sa kanilang kampanya.
May nagparating sa mga otoridad na may mga taong nagbababa ng mga saku-sakong hinihinalang dahon ng marijuana na kanilang tinugunan.
Nagbantay ang mga otoridad mula alas kuwatro ng madaling hanggang alas otso y medya ng gabi noong December 23 at nakita nila ang siyam na sako ng mga pinatuyong dahon at tangkay ng Marijuana in tabular form.
Aabot sa apat na oras hanggang walong oras ang pinakamalayong lalakarin ng sino mang magbababa ng mga dahon ng marijuana mula sa mga bundok na pinagtamnan ng naturang iligal na droga.
Dahil hindi maiiwasan na may mga tumutubong marijuana sa mga bulubundukin ng Kalinga ay mahigpit ang pagbabantay ng mga pulis sa mga dadaanan ng mga bumibili upang hindi mailabas sa mga nabanggit na lugar ang mga dahon ng marijuana.