Tinatayang aabot sa 724kg o katumbas ng Php4.51 billion na halaga ng ilegal na droga ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency ngayong araw sa Barangay Aguado, Trece Martires City, Cavite.
Ang naturang mga ipinagbabawal na gamot ay nasamsam ng mga otoridad mula sa iba’t-ibang mga operasyon na ikinasa nito kasama ang mga counterpart law enforcement and military units nito.
Kinabibilangan ito ng 530kg ng methamphetamine hydrochloride o shabu na nakumpiska ng National Bureau of Investigation sa Mexico, Pampanga noong Setyembre 2023, gayundin ang 535,352.3195 grams ng marijuana, 3,219.0132 grams ng ecstasy at 7,423.58 grams ng cocaine.
Samantala, sa pangunguna ni PDEA Director General Moro Virgilio M. Lazo ay winasak ang naturang mga ilegal na droga sa pamamagitan ng thermal decomposition sa Integrated Waste Management Inc. sa init na temperaturang 1,000 degrees celcius.