Mahigit P220 million cash assistance na ang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (Department of Social Welfare and Development) sa mahigit 45,000 transport network companies (TNCs) drivers at riders sa pinakahuling payout operations ng ahensya.
Ayon sa DSWD, umabot na sa 45,522 benepisyaryo sa Metro Manila ang nabigyan ng ayuda hanggang noong Sabado, Mayo 16, na may kabuuang P227.61 million na naipamahagi sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program.
Pinakamarami ang mga benepisyaryo mula sa Grab kabilang ang mga Move It riders, na umabot sa 37,344 at tumanggap ng kabuuang P186.72 milyong ayuda.
Samantala, 4,300 benepisyaryo mula sa JoyRide ang nabigyan ng tulong na nagkakahalaga ng P21.5 million, habang 3,878 naman mula sa inDrive ang tumanggap ng kabuuang P19.39 million.
Naitala naman noong Mayo 16 ang pinakamataas na single-day payout kung saan 8,172 benepisyaryo ang nakatanggap ng P40.89 milyong cash assistance.
Bahagi ang payout operations ng pamahalaan sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT framework.
Ayon kay DSWD spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, naging maayos at mabilis ang distribusyon dahil isinagawa ito kada kumpanya at sa tulong ng koordinasyon sa mga TNC.
Nagpasalamat din ang DSWD sa mga kumpanya sa paghahanap ng mas accessible at komportableng payout venues para sa kanilang drivers at riders.
Magpapatuloy naman ang payout operations sa susunod na linggo kaya hinikayat ng ahensya ang mga benepisyaryo na regular na bantayan ang mga anunsyo mula sa kanilang mga kumpanya para sa schedule at venue ng payout.
















