Mahigit P191M halaga ng ilegal na droga na nakumpiska sa mga operasyon sa Central Visayas, sinira at sinunog ngayong araw
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Central Visayas (PDEA-7) ang pagsira sa mahigit P191 million pesos na halaga ng iligal na droga nitong Sabado, Pebrero 18, sa isang thermal facility nitong lungsod ng Cebu.
Kinabibilangan ito ng kabuuang 28 kilo ng ‘shabu’ at 163 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana mula sa mga isinagawang anti-drug operations.
Ito ang kauna-unahang pagsira ng mga nakumpiskang iligal droga para sa taong 2023.
Inihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency-7 Director Jigger Montallana na ang pagkumpiska ng malaking bulto ng iligal na droga ay nagpapakita lang na epektibo ang mga pagsusumikap ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na droga.
Nauna na ring ibinunyag ni Montallana sa isang pahayag na mayroon na silang template para sa estratehiya ng kanilang kampanya sa ilegal na droga na supply and demand reduction ngunit bukod dito ay magpapatupad din sila ng community based programs sa pamamagitan ng pagbubukas ng PDEA help desks sa bawat barangay.
Samantala, mula noong 2017 umabot na sa hindi bababa sa P1 bilyong halaga ng iligal na droga sa 11 magkahiwalay na aktibidad ang sinunog at sinira ng ahensya.