-- Advertisements --
Department of Agriculture 1 1

KALIBO, Aklan – Mahigit P18 bilyon ang inilaan na pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa fertilizer ng mga magsasaka sa kabila ng iba’t ibang usapin na lumutang sa ahensya dahil sa patuloy na pagsipa sa presyo ng mga produktong agrikultura na nauwi kalaunan sa importasyon gaya ng sibuyas at bawang.

Inihayag ni DA assistant secretary Arnel De Mesa sa kaniyang pagbisita sa lalawigan ng Aklan na kailangan ng bansa na mag-angkat ng mga produkto na hindi sapat ang supply para sa mga mamamayan upang hindi maapektuhan ang produksyon at lokal na presyuhan.

Ipinaliwanag pa nito na hindi lahat ng lugar sa Pilipinas ay pwedeng taniman ng sibuyas at bawang kundi sa mga lugar lamang kung saan, maaari itong tumubo at makapag-produce ng magandang klase ng produkto.

Sa kabilang banda ayon pa kay De Mesa, hindi lamang nag-aangkat ang bansa kundi nag-eexport din tayo ng mga produkto gaya ng durian, pinya, saging at iba pa na hindi rin sapat ang supply sa ibayong bansa.

Sa kasalukuyan aniya ay 92 porsyentong sapat ang supply ng bigas sa bansa ngunit kailangan pa rin nating mag-angkat sa oras na matapos ang anihan ng palay upang ma-maintain ang supply nito.

Nabatid na isa si De Mesa sa mga panauhing pandangal sa distribution ng Rice Farmers Financial Assistance na pinangunahan mismo ni Senator Imee Marcos ang pagpasakamay sa mga magsasaka ng P5,000 na ayuda na umabot sa 7,356 farmers ang nakabenepisyo mula sa pitong bayan sa lalawigan ng Aklan.