-- Advertisements --

Aabot sa mahigit P16.2 milyong halaga ng mga Liquefied Petroleum Gas (LPG), produktong petrolyo at ibang mga kagamitan para sa operasyon ng paihi at pasingaw ang nakumpiska ng kapulisan sa Lucena City.

Naaresto rin sa nasabing operasyon sa Barangay Silangang Mayao ang 13 mga suspek.

Naaktuhan ng mga rumespondeng kasapi ng Philippine National Police (PNP) ang mga suspek na naglilipat ng mga produktong petrolyo at LPG na galing sa tanker at inilalagay sa mga container.

Sinabi ni Police Regional Office 4A Director PBGEN Dominic Baccay na ilang linggo nilang minanmanan ang galaw ng mga suspek bago nila ikinasa ang operasyon.

Kasabay din nito ay ipinag-utos ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr sa kaniyang mga kapulisan na paigtingin ang pagbabantay laban sa mga nagpupuslit ng mga langis at kaparehas na modus.