-- Advertisements --
DSWD REX GATCHALIAN

Naglaan ang administrasyong Marcos ng P118.5 bilyon para sa mga social protection program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipatutupad sa 2024.

Sa isang pahayag, sinabi ng DBM na ang iminungkahing alokasyon para sa promotive programs ng DSWD ay nagkakahalaga ng mahigit sa kalahati ng kabuuang badyet ng departamento na P209.9 bilyon.

Mula sa kabuuang budget ng DSWD, P118.5 o 56.46 percent, ang nakalaan para sa Promotive Programs ng ahensya.

Ang Promotive Programs ay ang strategic grouping ng DSWD flagship social protection projects para makatulong na mabawasan ang kahirapan sa pamamagitan ng conditional cash transfer, community-driven development at sustainable livelihood.

Sinabi ng DBM na P112.84 bilyon ng P118.5 bilyon ang ilalaan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), habang ang natitirang P5.6 bilyon ay mapupunta sa Sustainable Livelihood Program.

Layunin ng kasalukuyang administrasyon na ibaba ang poverty rate sa 9 na porsyento sa 2028.

Sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program, ang DSWD ay tatanggap ng budget na P209.9 bilyon, mas mataas ng 5.22% o P10.4 bilyon mula sa P199.5 bilyon na alokasyon sa 2023 General Appropriations Act.

Sinabi ng DBM na humigit-kumulang P76.2 bilyon ang gagamitin para sa mga protection ng DSWD sa 2024.