CAUAYAN CITY- Patuloy na sinisiyasat ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ang pagkakakilanlan ng mga pinaghihinalaang nagnakaw ng mahigit isang milyong pisong cash ng isang bahay kalakal sa Minante 2, Cauayan City.
Ang biktima ay si Bonifacio Uy, 57 anyos, may-asawa at may-ari ng BPH Enterprises at residente ng naturang barangay.
Una rito ay dumulog sa Cauayan City Police Station ang kinakasama ng biktima na si Rosanna Mariano upang ipabatid ang naganap na panloloob sa kanilang bahay kalakal.
Sa pagtugon at pagsisiyasat ng mga kasapi ng Cauayan City Police Station ay natuklasang sinira ang padlock ng gate ng naturang bahay kalakal at sinira rin ang door knob ng Administration Office ng nasabing bahay kalakal.
Nasa mahigit P1-M umano ang natangay mula sa sinirang vault ng naturang establisyemento.
Lumabas sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station na natuklasan ng Security Guard na nasira na ang lock ng gate noong Sabado ng umaga
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa nakababatang kapatid ng biktima na si Ginoong John Uy, sinabi niya na hindi na nila napansin ang pagsira sa mga kandado ng kanilang gate at pintuan dahil wala silang narinig na ingay bago matuklasan ang naturang panloloob.
Ang isa anya sa pinagtataka nila ay kung paano nabuksan ang vault sa kanilang tanggapan na hindi nasisira.
Maaari anyang eksperto ang gumawa ng naturang panloloob o di naman kaya ay alam nito ang kombinasyon ng number ng naturang vault.
Bagamat walang CCTV Camera sa naturang gusali ay naghahanap na anya sila ng iba pang kuha ng CCTV na posibleng nakahagip sa pinaghihinalaan .
Mayroon na umanong silang persons of interest sa pagnanakaw subalit tumanggi muna silang ibigay ang pagkakakilanlan nito.
Idinagdag pa ng nakababatang Uy na hindi nila akalaing gagamiting entry point ang maliit na pintuan sa naturang gate dahil sa matagal na umano itong hindi nabubuksan at hindi nagagamit.