CAUAYAN CITY – Muling nakasamsam ang mga awtoridad sa lalawigan ng Nueva Vizcaya ng milyong halaga ng tablon ng Narra.
Ang mga nahuling pinaghihinalaan ay sina Rommel Mercado, 37-anyos, driver ng van na pinagsakyan sa mga kahoy at Warwin Cruz, 19-anyos, helper at kapwa residente ng Masalipit, San Miguel, Bulacan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCapt. Roger Visitation, OIC Chief Of Police ng Aritao Police Station na tumulong ang kanilang puwersa sa mga kawani ng DENR na nangangasiwa sa DENR checkpoint sa Brgy. Calitlitan para mapara ang isang puting Van.
Nakita sa loob ng sasakyan ang 104 na piraso ng kahoy na may 2,520.75 board feet at tinatayang nagkakahalaga ng mahigit P1.2 million.
Hinuli ang dalawang pinaghihinalaan dahil walang maipakitang dokumento sa pagbiyahe nila ng mga naturang kahoy.
Ayon sa mga pinaghihinalaan ang mga nasamsam na kahoy ay galing sa Bulanao, Tabuk City, Kalinga at ibabagsak sa ibang lugar.
May hinala ang mga awtoridad na ang mga pinaghihinalaan ay may koneksyon sa mga una nang nadakip dahil din sa pagbibiyahe ng mga iligal na kahoy.
Paglabag Presidential Decree 705 (Forestry Reform Code of the Philippines) ang kakaharapin ng mga pinaghihinalaan.