Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na halos 1 milyong low-income na mga Pilipino na naapektuhan nang pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) ang nakatanggap na ng kanilang ayuda.
Aabot umano ng mahigit isang bilyong piso ang naipamigay ng nasabing ahensya.
Batay sa report ng Department of Interior and Local Government (DILG), mahigit P1.1-billion supplemental aid para sa ECQ areas ang ipinamahagi simula noong Abril 7 hanggang 9 payouts.
Bilang parte naman ng technical assistance nito sa mga local government units (LGUs), sinabi ng DSWD na nagpapatuloy ang pag-monitor nito sa mga payouts na nagsimula noong Abril 7.
Dagdag pa ng ahensya na nananatili itong nakikipag-ugnayan sa mga concerned LGUs para tiyakin na matatanggap ng 22.9 million low-income individuals na apektado ng ECQ ang kanilang ayuda.
Ilang miyembro ng Eexecutive and Management Committees ng ahensya, na pinangugunahan ni DSWD Sec. Rolando Joselito Bautista, ang personal na nag-monitor sa mga payouts noong nakaraang linggo.
Kasama ni Bautista ang ilang miyembro ng Joint Monitoring and Inspection Committee na nagtungo sa Parañaque noong Abril 7 para makita ang pamamahagi ng ayuda.