-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), na mahigit 98,000 tricycle drivers na sa National Capital Region (NCR) ang nakatanggap na ng tig-P5,000 cash assistance bilang tulong sa epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Director Edwin Morata ng Department’s Crisis Intervention Program (CIP) mula sa 122,050 na nasa “clean list,” nasa 81% o 98,007 benepisyaryo na ang nabigyan ng ayuda matapos ang apat (4) na araw na payout.

Maayos naman umanong naipamahagi ang ayuda sa unang linggo ng distribusyon.

Gayunpaman, may naitala ring 18,344 kaso ng hindi nakakuha ng cash aid sa iba’t ibang local government units (LGUs) sa Metro Manila. Ilan sa mga dahilan ay hindi kumpleto ang impormasyon ng mga nasa listahan o hindi sila kabilang sa validated “clean list” ng DSWD.

Sa ilang lungsod tulad ng Muntinlupa, ipagpapatuloy ang payout para sa natitirang humigit-kumulang 6,000 tricycle drivers. Ayon sa ahensya, magkakaroon ng panibagong iskedyul ng payout para sa mga hindi pa nabibigyan, kasama ang iba pang mga kwalipikadong benepisyaryo na irerekomenda ng LGUs at TODA groups.

Dagdag pa ng DSWD, magpapatuloy ang distribusyon ng cash aid sa iba pang sektor ng transportasyon sa NCR.

Nakatakdang simulan sa Martes ang pamamahagi sa 34,153 TNVS drivers, susundan ng 26,000 public utility jeepney (PUJ) drivers, 76,000 delivery riders, at motorcycle taxi drivers sa mga susunod na araw.

Nakikipag-ugnayan naman na ang DSWD sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at mga lokal na pamahalaan upang matiyak na tama at kumpleto ang mga listahan ng mga benepisyaryo at maayos ang implementasyon ng programa.