CAUAYAN CITY – Umabot sa P714,000 na laman ng Automated Teller Machine (ATM) ng Producers Bank sa Magsaysay, Cordon, Isabela, ang matagumpay na natangay ng mga suspek.
Ipinabatid sa Cordon Police Station ni James Sioson, account officer ng Producers Bank ang robbery incident.
Batay naman sa sinumpaang salaysay ng security guard na si Pedro De Vera, nakasaad na nakalanghap sila ng masansang na amoy sa loob nang buksan nila ang bangko at dito tumambad ang malaking butas sa loob ng opisina ng manager patungo sa likod ng ATM.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Maj. Fernando Mallillin, hepe ng Cordon Police Station, na naghukay ng butas ang mga suspek sa isang bahay papasok sa drainage canal na dinaanan nila sa paghukay ng tunnel patungo sa likod ng ATM.
Batay sa “CCTV” camera, alas-3:00 ng madaling araw nakapasok sa bangko ang mga suspek.
Ayon kay Maj Mallillin, nagsasagawa na sila ng malalimang imbestigasyon para matukoy ang grupo na may kagagawan sa panloloob sa bangko.
Natukoy na nila ang may-ari ng bahay na 800 meters ang layo mula sa bangko at naging entry point ng mga suspek sa pagpasok sa drainage canal na nasa harapan ng bangko.
Natagpuan sa lugar ang isang piraso ng cutting disc, bullcap, dalawang metal hacksaw, steel pipe at dalawang square logs na gagamiting ebidensiya laban sa mga nanloob sa bangko.