-- Advertisements --

Nasagip ng mga awtoridad ang nasa mahigit 70 banyaga na umano’y ikinulong sa loob ng Philippine offshore gaming operator (POGO) site sa Cainta, Rizal.

Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), nasagip ang nasa 70 empleyadong Chinese nationals, daalwang Taiwanese, isang Malaysian at isang Vietnamese national sa operasyon na isinagawa sa pakikipag-ugnayan sa Philippine National Police, Bureau of Immigration at sa Chinese Embassy.

Ayon kay Assistant Director for Investigative Service Jose Doloiras, nakatanggap sila ng request mula sa Chinese Embassy para i-rescue ang mga biktimang Chinese nationals.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng NBI sa naturang insidente na umano’y kaso ng kidnapping at illegal detention.

Base sa testimoniya ng isa sa mga biktimang Chinese national, pwersahan umano silang pinagtatrabaho sa isang online casino at pinagbubugbog ng suspek na isa ding Chinese national kung tumatanggi ang mga ito.

Ipinakita rin ng biktima ang tinamo nitong burn marks sa kaniyang likuran at paa.

Isiniwalat naman ni Doloiras na posibleng illegal aliens ang mga biktima dahil walang IDs o dokumento na maipakita ang mga ito.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng NBI sa iba pang ahensiya ng gobyerno para sa masugpo ang mga kaparehong iligal na operasyon.