CEBU CITY – Kinumpirma ni Atty. Michelle Mendez-Palmares, presidente ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) Cebu City Chapter na aabot sa 550 law graduates mula sa anim na law school ng Cebu ang nakatakdang kukuha ng bar examination sa dalawang testing center nitong lungsod sa November 9, 13, 16 at Nov. 20.
Gaganapin ang bar exam sa University of San Carlos at University of Cebu Banilad campus.
Samantala, hinimok ng Cebu City Police Office (CCPO) ang publiko, lalo na ang mga dumadaan malapit sa testing centers na huwag gumawa ng malakas na ingay para hindi magambala ang mga kukuha ng bar exam.
Mahigpit namang ipatutupad ang anti-noise ordinance sa labas ng dalawang venue mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-7:00 ng gabi at kung sinumang lalabag nito ay papatawan ng multa.
Nauna nang inihayag ni Police Regional Office-7 director police Brigadier General Roderick Augustus Alba na “in place” na ang lahat ng usaping pangseguridad at target nilang walang maitalang major incident sa pagsasagawa ng bar exam.