-- Advertisements --
dswd Oplan Pag Abot

Limampu’t anim na street dwellers ang nasagip sa siyam na oras na “Oplan Pag-Abot” operation na isinagawa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Maynila.

Ang 56 na indibidwal, kabilang ang mga bata at matatanda, ay dinampot sa Malate tourist area at sa kahabaan ng Roxas Boulevard.

Ayon sa DSWD, isinagawa ang operasyon sa pagitan ng alas-9 ng gabi noong Huwebes hanggang alas-6 ng umaga ng Biyernes.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, na agad silang dinala sa mga processing center na matatagpuan sa Barangay 721 Dakota Covered Court sa Malate para sa biometrics registration at initial intake interview.

Ang ilan ay isinangguni sa mga local government units ng Maynila, Caloocan, Navotas at Pasay City sa Metro Manila; Sta. Maria sa Bulacan; at DSWD Field Office – National Capital Region.

Ang mga nangangailangan ng special care, partikular ang mga matatanda, ay isinangguni sa DSWD-run centers at residential care facilities.

Sa operasyon, ang mga tauhan ay tinulungan ng City of Manila’s Department of Social Welfare and City Health Office, Philippine Statistics Authority, Metropolitan Manila Development Authority at Philippine National Police – Tactical Motorcycle Unit.