Aabot sa hindi bababa sa 51 lugar sa bansa ang inaasahang makakaranas ng “danger” level na heat index ngayong araw ng Biyernes, Mayo 29, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa limang araw na heat index forecast ng PAGASA, inaasahang aabot sa 42°C hanggang 47°C ang heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pinakamataas na posibleng maitala ang 47°C sa Casiguran, Aurora at Sangley Point sa Cavite City, Cavite.
Nasa 46°C naman ang inaasahan sa Aparri at Tuguegarao City sa Cagayan, Baler (Radar) sa Aurora, at San Ildefonso sa Bulacan.
Samantala, inaasahang aabot sa 45°C ang heat index sa Dagupan City, Bacnotan sa La Union, Echague sa Isabela, Iba sa Zambales, Clark Airport sa Pampanga, Muñoz sa Nueva Ecija, Cubi Point sa Subic, Coron sa Palawan, at San Jose sa Occidental Mindoro.
Nasa 44°C ang forecast sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan, kabilang ang Science Garden sa Quezon City, Sinait sa Ilocos Sur, Laoag City at Batac sa Ilocos Norte, Camiling sa Tarlac, Tarlac City, Tayabas City, Batangas, Quezon, Palawan, Capiz, Iloilo, Negros Oriental, at Surigao City.
Aabot naman sa 43°C ang heat index sa NAIA sa Pasay City, Calayan sa Cagayan, mga bahagi ng Quezon, Laguna, Masbate, Camarines Sur, Capiz, Bohol, at Eastern Samar.
Nasa 42°C naman inaasahan ang heat index sa ilang lugar sa Nueva Vizcaya, Camarines Norte, Albay, Catanduanes, Sorsogon, Iloilo, Samar, Leyte, Zamboanga del Norte, Surigao del Sur, at Agusan del Norte.
Samantala, 24 pang lugar ang inaasahang makararanas ng “extreme caution” level na heat index na nasa 35°C hanggang 41°C.
May mga lugar din na inaasahang mananatili sa “not hazardous” level, kabilang ang Baguio City at La Trinidad sa Benguet na may 26°C, at Benguet Radar sa Tuba na nasa 20°C.
















