Aabot sa mahigit 5,000 kapulisan ang ipinakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa buong metro manila bilang paghahanda sa pagpapatupad ng seguridad at kaayusan para sa nalalapit na balik-eskwela 2023.
Ayon kay NCRPO chief PBGEN Jose Melencio Nartatez jr, all set na ang kanilang buong hanay para sa muling pagbubukas ng klase sa rehiyon sa darating na Agosto 29, 2023.
Aniya, aabot sa 5,085 na mga police personnel ang idineploy sa nasa 1,262 na mga public at private schools sa buong NCR.
Ang mga ito ay binunuo ng tactical motorcycle riding unit, explosive ordnance disposal at canine group, mobile at foot patrol na magpapaigting pa sa law enforcement activities hindi lamang sa mga paaralan kundi maging sa mga transportation hubs, at areas of convergence upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guardians, at mga guro.
Bukod dito ay mayroon ding itinalagang 668 police assistance desks ang NCRPO sa mga lugar malapit sa entrance gate ng mga school campuses.
Samantala, kaugnay nito ay tiniyak naman ni NCRPO Chief Nartatez na ang lahat ng ito ay alinsunod na rin sa naging pakikipagpulong ng kapulisan sa mga opisyal ng DEPED at mga paaralan para sa maayos na pagpapatupad ng public safety services tulad ng drug abuse prevention, information drives, at iba pang anti-criminality programs.