Aabot sa mahigit apat na libong mga administratibong kasong kinakaharap ng mga pulis ang naresolba na ng Pambansang Pulisya sa loob ng mahigit isang taon.
Batay sa datos na inilabas ng PNP, mula noong Enero 1, 2022 hanggang Agosto 30, 2023 ay umabot na sa 4,082 na mga administratibong kaso ang naresolba na bilang bahagi ng puspusang internal cleansing na isinagawa nito sa buong hanay ng kapulisan.
Mula sa naturang bilang, nasa 935 na mga pulis ang sinibak sa serbisyo, habang nasa 242 naman ang pinatawan ng demotion, 1,850 ang sinuspinde 159 ang hindi nakatanggap ng buwanang sahod, 680 ang reprimanded, 110 ang isinailalim sa restrictions, at nasa 106 na mga pulis naman ang hindi pinagkalooban ng benepisyo.
Ayon kay PNP-Public Information Office chief PCOL Jean Fajardo, ang mahigpit na pagpapatupad ng mga disciplinary actions na ito ay layuning magsilbing babala sa mga pulis na ang mapapatunayang sangkot sa ilegal na mga gawain ay tiyak na mapaparusahan.
Kaugnay nito ay ipinahayag naman ni PNP Chief PGen Benjamin Acorda Jr. na patuloy nitong palalakasin ang buong hanay ng kapulisan partikular na sa pagpapatupad ng internal disciplinary mechanism at striktong implementasyon ng command responsibility sa pagsunod sa police operational procedures.