Naging matagumpay ang ikinasang mga operasyon ng Philippine National Police sa unang buwan ng taong 2024 laban sa iba’t-ibang uri ng kriminalidad sa bansa.
Sa ginanap na pulong balitaan ngayong araw sa Kampo Crame sa Quezon City ay ibinida ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr. na mula noong Enero 1, 2024 hanggang Pebrero 1, 2024 ay aabot sa 4,823 na mga indibidwal ang arestado nang dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.
Ito ay matapos ang ikinasang 3,993 na mga operasyon ng mga otoridad sa ilalim ng kampanya ng Pambansang Pulisya kontra ilegal na droga.
Mula sa natruang mga operasyon ay aabot naman sa kabuuang Php359-million ang halaga ng ipinagbabawal na gamot na nakumpiska ng kapulisan.
Bukod dito ay nasa kabuuang 6,069 na mga suspek din ang naaresto ng PNP sa ilalim ng campaign against most wanter person nito.
Habang nasa 709 naman ang arestado nang dahil sa kasong may kaugnayan sa loose firearms kung saan aabot naman sa 3,384 ang bilang ng mga armas na nakumpiska ng mga operatiba.
Samantala, sa kabilang banda naman ay idinagdag din ni Gen. Acorda na nutralisado rin ng kapulisan ang 18 criminal groups sa bansa kung saan natimbog naman ang nasa 47 mga miyembro nito, siyam ang boluntaryong sumuko sa mga otoridad, at pawang nakapaghain na rin aniya ng 13 kaso ang PNP laban sa mga ito sa korte.
Kaugnay nito ay sinabi ni PNP Chief Acorda, ang accomplishments na ito ng Pambansang Pulisya ay nagpapatibay sa mas matatag na determinasyon ng kapulisan na tuluyang sugpuin ang mga lahat ng mga criminal groups na sangkot sa iba’t-ibang uri ng kriminalidad sa buong Pilipinas.