
Ibinida ng Philippine National Police ang patuloy na nadadagdagang bilang ng mga drug cleared barangay na kanilang naitatala sa bansa.
Ito ay matapos na makapagtala ng nasa 26,244 drug cleared barangays ang pambansang pulisya mula sa 35,356 drug-affected barangays na una nang naitala ng pulisya.
Sa datos, naitala sa rehiyon ng Cagayan Valley ang pinakamataas na drug cleared barangay na mayroong 94.41 percent, na sinundan naman ito ng Cordillera Region na mayroong 94.36 percent, habang pumangatlo naman ang MIMAROPA na nakapagtala ng 93.95 percent drug cleared barangay.
Sa isang pahayag ay iniulat ni Philippine National Police chief, Police General Rodolfo Azurin Jr., na mula noong July 1 hanggang November 1, 2022, nasa 403 pa na mga barangay ang idineklarang drug cleared ng mga Regional Oversight Committees.
Samantala, bukod dito ay nagpahayag naman ng lubos na pasasalamat ang chief of Police sa naging tulong ng iba’t-ibang sangay ng pamahalaan para sa pagpapaigting pa sa kampanya laban sa iligal na droga.
Kasabay ito ng kaniyang pagbibigay-diin ni Gen. Azurin sa katiyakang magpapatuloy pa ang pakikipag-ugnayan at tulungan ng Philippine National Police sa iba pang ahensya ng gobyerno kabilang na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of the Interior and Local Government (DILG), kasama ang mga local government unit (LGU) para sa layuning mai-clear na rin ang natitira pang 9,112 o may katumbas na 25.77% barangays sa darating pang mga panahon.










