-- Advertisements --
DepEd Pasig City

Nakapagtala ang Department of Education (DepEd) ng mahigit 260,000 ng mga kaso ng karahasan partikular na ang physical bullying sa mga paaralan sa buong Pilipinas.

Sa datos ng kagawaran, nasa kabuuang 264,668 ang bilang ng mga kaso ng physical bullying na naitala noong school year 2021-2022.

Ayon sa mga opisyal ng DepEd, bukod pa ito sa iba pang klase ng bullying na naitala ng ahensya sa kaparehong taon kung saan aabot sa 7,758 ang bilang ng mga kaso ng cyberbullying, 7,800 gender- based bullying, at 17,258 na mga kaso ng social bullying.

Ngunit paglilinaw ng ahensya, kasalukuyan pa rin daw nilang bineberipika ang mga bilang na ito dahil sa posibilidad na under reported ito nang dahil sa mga estudyanteng hindi nagsusumbong.

Ang bullying ay isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagkakaroon ng mga insidente ng karahasan sa mga paaralan na kinasasangkutan ng mga estudyante.

Sa katunayan pa nga, dahil dito ay umabot na sa 2,147 ang bilang ng mga biktima nito ang nagtangkang magpakamatay, habang papalo naman na sa 404 ang bilang ng mga tuluyang nagpatiwakal.

Kung maaalala, kaugnay nito ay una nang sinabi ng PNP na magdadagdag sila ng deployment ng mga pulis sa mga paaralan sa bansa.

Ito ay sa ilalim ng direktiba ni PNP chief PGen Rodolfo Azurin Jr. kasunod ng mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng mga mag-aaral sa iba’t-ibang eskwelahan sa Pilipinas.

Ayon kay PNP-Public Information Office chief PCol Redrico Maranan, mas paiigtingin ng pulisya ang kanilang all year round na pagbabantay sa mga paaralan para mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa mga ito.

Samantala, bukod sa tulong na ginagawa ngayon ng Pambansang Pulisya ay naglunsad din ang Department of Education ng kanilang programa na tututok sa mental health ng mga estudyante at helpline kung saan maaaring magreport ang isang nakakaranas ng pang-aabuso.