DAVAO CITY – Sama-samang pumadyak ang mahigit dalawang daang mga siklista sa Davao City kasama ng iba pang mga nakilahok sa siyam pang mga lungsod sa buong Asya upang mangampanya kontra Climate Change.
Sa pinakahuling yugto ng Pedal for People and Planet, binaybay ng mga siklista ang mga pangunahing kalsada ng lungsod upang ipanawagan ang mga kasalukuyang epekto ng climate change sa mga lideres ng mga mayayamang bansa.
Sinabi ni Asian Peoples’ Movement on Debt and Development Coordinator Lidy Nacpil, resulta ng climate change ang mga kalamidad na naranasan ng Pilipinas, Pakistan at Bangladesh.
Lubos din nilang ipinapahayag sa mga bansang lalahok sa isinasagawang UN Framework Convention on Climate Change sa Egypt na mangialam at tanggapin ang responsibilidad na pagtugon at pag-responde sa pinsalang hatid ng nagbabagong klima sa buong mundo.
Isinagawa rin ang nasabing kampaya sa iba’t ibang syudad at probinsya ng bansa na inorganisa ng Asian Peoples’ Movement on Debt and Development, Philippine Movement for Climate Justice, 350.org Pilipinas, at iba pang environmental groups.