Naibigay na ang cash-for-work assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa humigit-kumulang 19,000 residente na apektado ng oil spill mula sa isang fuel tanker na lumubog sa Oriental Mindoro.
Ngayong araw, may kabuuang 19,895 na indibidwal sa Oriental Mindoro at Antique ang nakinabang na sa cash-for-work program ng DSWD.
Ito ay naglalayong magbigay ng pansamantalang trabaho sa mga pamilya, karamihan sa mga mangingisda, na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa oil spill.
Ang mga apektadong residente na kinilala ng local government units (LGUs) ay idineploy upang makilahok sa iba’t ibang aktibidad, tulad ng pagkolekta ng mga lokal na materyales para sa pagtatayo ng mga improvised oil spill boom at absorbent; pagtatatag ng barangay o backyard gardens; rehabilitasyon ng mga bakawan; at pamamahala ng mga community cleanup drive.
Tumulong din ang ilang benepisyaryo sa pagkarga at pagbaba ng mga food packs ng pamilya.
Kapalit ng mga gawain, ang mga kalahok ay binibigyan ng cash ng departmento para matugunan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan, tulad ng pagkain at tubig.
Ang mga benepisyaryo mula sa Oriental Mindoro ay tumanggap ng kanilang sahod sa unang limang araw ng pagtatrabaho na nagkakahalaga ng P355 kada araw, habang ang mga taga Antique naman ay nagbigay ng kanilang sahod sa unang sampung araw ng trabaho na nagkakahalaga ng P450 kada araw.