Mahigit sa 178,000 katao na sa ngayon ang naapektuhan ng oil spill sa Oriental Mindoro.
Ito’y matapos ipahayag ng mga awtoridad na ang oil spill mula sa lumubog na oil tanker ay kontrolado na.
Ayon sa datos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) 37,871 pamilya o 178,306 indibidwal ang tinamaan ng oil spill sa mga lugar ng Calabarzon, Mimaropa, at isang bahagi ng Western Visayas.
Para matulungan ang mga naapektuhan, sinabi ni DSWD Assistant Secretary Rommel Lopez na nakapaglabas na sila ng P217 milyong halaga ng pinansyal at iba pang tulong.
Nasa P58.5 milyon naman ang naipamahagi sa ilalim ng cash-for-work program ng gobyerno.
Dagdag dito, sinabi ni Gobernador Humerlito “Bonz” Dolor na 17,071 pamilya ang nagtatrabaho sa ilalim ng naturang programa.
Batay sa inilabas ng Palasyo noong Marso, naglaan ang DSWD ng kabuuang P116 million para sa 18,762 apektadong mangingisda na nag-avail ng “cash-for-work” program.