Binigyang diin ng Bureau of Immigration na hinarang nito ang pagpasok ng mahigit 130 foreign sex offenders sa Pilipinas simula noong Enero 2023.
Sa isang pahayag na inilabas ng BI, nagbabala si BI Commissioner Norman Tansingco na sinumang convicted sex offenders na mahuling nagtangkang pumasok sa bansa ay tatanggihan at ibabalik ng mga immigration officer sa mga paliparan.
ANiya, nagtatag ang nasabing kawanihan ng isang working arrangement kasama ang iba’t ibang foreign missions sa Maynila, na regular na nagbibigay ng mga pangalan ng kanilang mga kababayan na nahatulan ng mga sex crimes sa kanilang bansa.
Ang anunsyo ay dumating matapos ang matagumpay na pagharang ng BI sa isa pang sex offender, ang 42-taong-gulang na Briton na si Anthony Collins, na nahatulan noong Mayo 2022 sa Manchester, England para sa pamboboso at pagkuha ng masasamang larawan ng dalawang menor de edad.
Agad na isinakay si Collins para sa susunod na available na flight sa kanyang pinanggalingan at inilagay sa blacklist ng BI ng mga hindi kanais-nais na dayuhan.
Ang nasabing mga proseso ay kasama sa mga hakbang ng BI na sugpuin ang anumang mali at ilegal na gawain sa mga paliparan.