Hinimok ng Department of Natural Environment Resources (DENR) ang mga tumatakbong kandidato na maging responsable sa pagsunod sa mga tuntunin hinggil sa pagpapaskil ng kani-kanilang mga campaign materials.
Ito ay sa gitna ng mas pinaiigting pa na programa ng kagawaran sa pagsugpo sa mga pagpapaskil ng mga campaign materials sa mga puno.
Ipinahayag ni DENR Sec. Jim Sampulna na pumalo na sa kabuuang 114,664 piraso ngmga campaign materials ang nabaklas na ng kagawaran sa buong bansa.
Sa datos, ipinakita na ang mga region 9, 3, at 5 ang mayroong pinakamataas na bilang ng mga binaklas na mga campaign materials.
Sa ilalim ng Republic Act (RA) 3571 ay mahigpit na ipinagbabawal ang anumang pagpuputol, pagsira, o pamiminsala sa mga halaman, puno, bulaklak at iba pa sa tabi ng mga kalsada, sa mga plaza, school premises, at saanmang public pleasure grounds.
Nagbabala ang DENR na mahaharap hindi lamang sa mga election-related law kundi pati na rin sa environmental law tulad ng Section 3 of Presidential Decree No. 953 ang lahat ng mga mapapatunayang lumabag dito.
Sa nasabing batas ay maaaring maparusahan ng anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong ang mga lalabag dito, o pagmumultahin ng hanggang P5,000.
Nakatakda namang i-donate ng kagawaran sa EcoWaste Coalition ang mga makukumpiskang campaign materials upang muling mapakinabangan ang mga ito sa pamamagitan ng pagre-recycle.